Sa pagnanais na mabigyan ng mas magandang serbisyo ang mga taga Barangay Barretto, ang Subicwater ay magbubukas ng Sub-office sa bagong barangay hall ng naturang lugar sa buwan ng Hulyo.
Noong nakaraang Abril ay nagtalaga na ng mga kawani ang Subicwater upang mapangasiwaan ang operasyon ng Barretto Sub-office. Simula sa buwan ng Hulyo, ang mga taga-Barretto ay puwede ng dumulog sa naturang tanggapan para
sa kanilang mga hinaing, reklamo, requests pati na rin sa service application.
Ang
Barangay Barretto ay maituturing na isa sa mga tourist haven sa ating lugar
dahil sa kanyang naggagandahang beach resorts, bars at hotels. Sa kasalukuyan
ay mayroong mahigit na dalawang libong active connections sa lugar na ito.
At, dahil sa patuloy na pagdami ng populasyon dito dala ng mabilis na pag-asenso
ng barangay Barretto, may mga lugar na hanggang sa ngayon ay nakakaranas
ng kakulangan ng tubig lalo na sa mga matataas na bulubundukin. Ang tubig
sa Barretto ay nanggagaling sa dalawang balon na nasa San Isidro, Subic,
Zambales kung kaya’t humihina na ang daloy nito sa mga lugar na malayo
sa bukana ng Barretto mula Subic. Ang problemang ito ay patuloy na hinahanapan
ng kaukulang solusyon ng Subicwater.
Ang pagbibigay ng mabilis na serbisyo, sapat na water pressure, agarang pagkumpuni ng mga sirang tubo at tagas, pag-aksiyon sa bawat reklamo at pagbawas sa water interruption ay ilan sa mga dahilan ng pagbuo ng Barretto Sub-office. Sa kasalukuyan ay inihahanda na ang opisina nito na matatagpuan sa bagong Barangay Hall ng Brgy. Baretto. Ito ay inaasahang ganap na makapagseserbisyo sa mamamayan sa Hulyo ng taong kasalukuyan.
Ito’y isa lamang sa mga proyekto ng Subicwater sa taong ito upang
kayo ay mabigyan ng serbisyong bigay-todo.
Copyright (c) 2007. Subic Water & Sewerage Co. Inc.